Written by Boy Abunda
Wednesday, 19 December 2007
Aba Ginoong Maria!
Parang kailan lang noong si Maricel Soriano ay nasa bakuran pa ng Regal Films. Pakembot, kembot, pakendeng kendeng at neneng-nene ang dating. Batang bata si Maria nang binuo ang tambalang Maricel Soriano at William Martinez.
Makaraan ang ilang teeny-bopper movies, isinabak si Maria sa mga dramatiko at seryosong pelikula katulad ng Hinugot Sa Langit which was directed by the legendary, Ishmael Bernal. Sunod sunod ang markadong pagganap ni Maria sa mga pelikulang, Minsan May Isang Ina, Saan Darating ang Umaga, Teenage Marriage, Pinulot Ka lang Sa Lupa, Inagaw Mo Ang Lahat Sa Akin, Abandonada, Mila, Mano Po, Filipinas, I will Survive, Inang Yaya, Paraiso, A Love Story, at marami pang iba.
Mahabang panahon ang nagdaaan. Maraming mga nabago, at maraming mga nangyari. May lumubog, lumitaw, napalitan, nagbago ng anyo, ilong, mukha, pangalan, tirahan, asawa at marami pang iba. Pero si Maria walang kupas, patuloy na nagniningning. Magpahinga man siya sandal at pag lumitaw muli’y hindi nawawala ang kinang na parang mamahaling diamond. Walang kakupa-kupas. Laging kumikinang kahit hindi naiilawan.
Mahal ni Maria ang pelikula. Dito siya lumaki at nagdalaga, hanggang sa siya ay naging isang ina. She has two children, si Marron na nasa Amerika at si Tien na kasama niya dito sa Pilipinas.
Hindi kaila na si Maria ay malaki ang tulong sa kanyang pamilya. “Ang tawag ko sa kanya, Mare. Si Mareng Mary. Kung pwede siya na lang lahat ang mamroblema. Lahat ginagawa niya para sa pamilya niya,” sabi naman ni Mykee Soriano, kapatid ni Maria.
Blessed si Maria. Ngayong taon bilang isang actress, apat na pelikula ang ginawa niya sa isang panahong parang nakalimutan na ang sining ng pelikula.
Pero iba talaga si Maria.
Kumikinang kahit hindi gumigiling ang mga camera.
Kaibigan, usap tayo muli.
No comments:
Post a Comment